Miyerkules, Setyembre 10, 2008

MERON AKONG ANO? MERON AKONG KWENTO....

Saudi taong 2008 – Makalipas ang halos dalawang taon na pagtatrabaho ko sa Bansa ng mga Arabo marami akong nakilala at kasamahang Pilipino na may mga nakakatuwa, nakakaiyak at nakakabaliw na kwento ng kanilang Buhay. Bayaan ninyong ibahagi ko ito ayon sa kanilang pangalan; hindi ko na lang babanggitin ang tunay nilang pangalan ng sa gayon ay ma protektahan din ang kani-kanilang pribadong buhay:

Si Tonyo – Si Tonyo at may idad na mahigit 50 taon na ata sa tantya ko, dati na siyang nagtrabaho dito sa Saudi ng mahabang taon, ayon sa kanya nag desisyon na siyang tumigil sa pag-aabroad dati at manatili na lamang sa Pilipinas at magtayo ng isang maliit na negosyo dahil naka ipon din naman sya ng kaunting puhunan mula sa kanyang pag-aabroad. Nagtayo siya ng isang maliit na furniture shop sa Bicol na siyang probinsya ni Tonyo. Subalit hindi din niya napalago ito at unti-unti din niyang naibenta ang mga kagamitan niya sa furniture hanggang sa lubusan na itong mag sarado at mahinto sa operasyon. Ayon sa kanya ang dahilan marahil ay ang kakulangan ng sapat na puhunan. Taong 2006 ng una ko makilala si Tonyo sa opisina ng ahensya sa Makati na nagdedeploy ng mga OFW sa Abroad, dahil nauna akong nakaalis sa kanya ng tatlong buwan dahil nagkaroon ng delay sa kanyang pag-alis dahil ang passport nya ay inayos pa nya dahil naiwala nya ito..so kailangan pa ng affidavit of lost at kung anu-ano pang pasikot sikot sa mga opisina ng gobyerno sa Pilipinas. Si Tonyo ay masasabi kong isang mabuting Ama at Lolo sa kanyang Pamilya sa Pilipinas... dahil wala siyang bukambibig tuwing magkakaroon ng kumpulan kundi ang kanyang mga anak at apo. Ang mga anak niya ay maagang nagsipag asawa ng hindi man lamang nakakatapos ng kolehiyo na hanggang ngayon na nagkaroon na ng mga sariling pamilya ay inaasa pa din kay Tonyo ang lahat nilang gastusin. Minsan nakasabay ko si Tonyo papunta sa remittance center, kadalasan ang tanungan tuwing katatapos ng sahod ay kung magkano na ba ang kasalukuyang palitan ng Riyal sa Peso. Sabi ni Tonyo kailangan daw niyang maihabol ang kanyang padalang pera sa kaarawan ng kanyang apo. Kaya ang sabi ko sa kanya Ano!!! Pati Bertday ng apo mo eh ikaw pa ang sumasagot? Wala lang siyang ibang naisagot kundi ang..’Ganun siguro talaga ang isang magulang hindi lamang tumitigil sa mga anak mo kundi pati sa magiging apo habang kaya mo pa at nabubuhay ka’...’Sabi ko na lang sa kanya’, ‘parang ayaw ko nang mag-asawa kung ganyan din lamang sayo ang mangyayari sa akin’...iniisip ko kung nahihirapan ba si Tonyo sa ganun niyang sitwasyon..pero sa tingin ko hindi..dahil tuwing Biyernes na syang araw na walang pasok dito makikita mo si Tonyo na palaging nag oobertym, para daw sa mga anak niya at apo ang ginagawa niya at masaya siya sa tuwing darating ang sahod at may karagdagan siyang pera na maipapadala sa kanyang pamilya sa Pilipnas..

Butsoy – Si Butsoy ay isang Heavy Equipment Operator dito sa aming kumpanya...Sa hirap niyang pagsasalita na pautal-utal ng tagalog ay mahuhulaan mo na taga bisaya o mindanao siya..Si Butsoy ay kaidad ko at madalas din kaming magka kwentuhan tungkol sa buhay niya na kung saan hindi siya nakatapos ng kolehiyo at maagang sumabak sa pag tatrabaho bilang driver sa kanilang probinsya at kalaunan ay pumunta ng maynila at nakipag sapalaran na maging Taxi driver...Si Butsoy ay madalas kong nahuhuling nag iisa at tahimik na tila laging nag-iisip habang panay ang hithit sa sigarilyo. Nalaman ko sa kanya na maaga siyang naging byudo sa edad na 29, namatay ang asawa nya habang siya ay nasa abroad..wala silang naging anak at ang buo niyang pamilya ang nanay niya, ate at iba pang kapatid ay sa kanya umaasa..ulila na sa ama si Butsoy kung kaya naka sentro ang buhay nya sa kanyang mga kamag-anak sa Pilipinas..ngunit maliban pala sa tunay niyang Pamilya..naka sentro din ang buhay nya sa kanyang syota na isang “nurse” na siyang dahilan din ng madalas naming panunudyo sa kanya dahil ang sabi namin sa kanya ay naka tao siya....May itsura ang syota ni butsoy.,,nakiusap nga siya minsan sa akin na i-print ko ang piktyur ng syota nya na bunuksan namin sa internet sa kanyang Friendster..at sa pagpasok mo sa kwarto niya ang piktyur na iyon ang una mong makikita..ika nga proud baga...hehehe..madalas mai kwento ni butsoy na madalas din siyang nagpapadala ng pera sa syota niya dahil di umano gusto nitong mag review ng NCLEX un bang board exam na pag naipasa mo eh pwede kang pumunta ng US at mag trabaho bilang nurse...kalaunan ay nalaman ko din na napa sagot nya ang syota niya habang siya ay nasa barko at papunta na ng maynila dahil naka skedyul na ang kanyang flight papuntang Saudi..kaya ang biro ko sa kanya eh hindi man lamang niya nahipo ang langit bago siya makaalis ng Pilipinas at maghihintay pa siya ng dalawang taon bago mangyari ito...hehehe..

Sa panahon ng tag-init dito na umaabot ang temperatura sa 50 degrees celcius..kawawang kawawa ang mga katulad sa trabaho ni Butsoy..dahil tiyak na sunog ang balat sa init ng araw..madalas na tahimik at nag-iisip si Butsoy dahil ang Pamilya nya sa Pilipinas ay palaging nag te text sa kanya at humihingi ng pang tuition para sa pamangkin nya, pang bayad sa upa ng bahay ng nanay niya at kung anu ano pa..ang alam ko din ay kilalang kilala siya ng lahat ng mga taong nagpapa utang dito sa kumpanya..marami kasi kaming kasamahan dito na Bumbay..meron true blue na bumbay at meron din namang kapwa Pilipino na Bumbay..hahahaha..sa tuwing sahod halos wla na din natitira kay Butsoy dahil halos pambayad lamang ito sa mga pagkaka utang niya.....

Mack – Si Mack kung tawagin namin ay small but terrible..isa siyang Handyman..nung una siyang dumating dito halus lahat ng Pilipino ay gusto siyang tanungin kung ano nga ba ang isang Handyman..dahil narinig ko lamang ang Handyman duon sa kanta ni James Taylor na “Handyman”. Nalaman din namin sa kanya na ang Handyman pala ay iyong tipong lahat na disiplina ng trabaho ay kaya niya..Electrical, Mechanical at kung anu-ano pa.... jack of all trade, sabi nga nila...Si Mack ay may dalawang anak sa Pilipinas na nasa pangangalaga ng kanyang nanay..ang asawa kasi niya ay nasa Dubai bilang tourist...hindi tourist na namamasyal..kundi tourist visa para maghanap ng trabaho duon at kalaunan ay magiging working visa na din..madalas kong naririnig si Mack na nakikipag usap sa asawa nya sa telepono..ang tema ng usapan nila ay pilit na nya itong pinapauwi ng Pilipinas dahil ilang buwan na ang asawa nya sa Dubai ay wala pa din makitang permanenteng trabaho..bagkus ay kulang pa ang kinikita nito sa part time work sa gagastusin nya duon sa Dubai...kung minsan nga ay madalas na nagpapadala pa si Mack sa asawa nya sa Dubai para pang gastos nito at mag eexit ito papunta sa ibang bansa ng Middle East at babalik muli sa Dubai para ma renew ang tourist visa nito na effective lamang ng tatlong buwan...Madalas naiku kwento ni Mack na nahihirapan din sya sa sitwasyon nilang mag-asawa at sinisisi nito ang mga hipag niya na siyang nag kumbinsi sa asawa niya na pumunta ng Dubai..ayon sa kanya sa halip na nakakatulong sa kanya sa gastusin nila sa kanilang mga anak ay nagiging pabigat pa ito....Madalas ang tawag ko kay Mack ay addict...hindi sa Droga kundi sa trabaho..kasi wala siyang nasa isip kundi ang makakita ng part time job dito sa Saudi...aalis siya sa accomodation ng alas 5 ng umaga at babalik ng alas 4 ng hapon at papasok naman ito sa part time job niya ng hanggang alas 11 ng gabi...sa isip ko napakahirap ng kalagayan niya at parang hindi ko kakayanin ang ganoong sitwasyon at pagod...Minsan isang arabo na nagpapatayo ng building ang napasukan niya ng part time...nagkasundo sila na kapag natapos ang trabaho ay babayaran siya nito ng 15,000 Saudi Riyals..makalipas ang apat na buwan na pagpupuyat dahil sa gabi niya ito ginagawa ay binayaran lamang siya ng 1,500 Riyals..naging kaaway niya ang ibang Pilipino na kinuha niyang helper dito dahil wala din siyang pangbayad sa kanila dahil naloko sila ng Arabo..........

Melchor – Si Melchor ang isa sa kasamahan ko dito sa Saudi na masasabi mo na masyadong malalim...sa mga kwentuhan ay hindi siya nawawalan ng paliwanag sa mga bagay bagay at sa tingin ko naman ay totoong may alam siya sa mga bagay na kanyang pinapaliwanag marahil ito ay nabasa niya sa libro o sa internet..siya lamang kasi ang nag iisa na ka grupo namin sa accomodation na nasa opisina..ang karamihan ay nasa field at hindi nakakapagtago sa init ng araw dito sa Saudi...Madalas niyang nai ku kwento tuwing uwian sa trabaho na halos wla siyang ginawa ng araw na iyon kundi ang mag internet at maki pag chat...ang lagi lamang niyang hinihintay na mag online di umano ay ang girlfriend nya na nag ta trabaho din sa middle east bilang sekretarya din..subalit kapag may araw na hindi nakapag online ang girlfriend nya ay mapapansin mo na wala sa mood sa kwentohan itong si Melchor..minsan sobrang masaya itong si Melchor..aba at niyaya na daw siyang mag-asawa ng girlfriend nya kung kaya halus hilahin daw nya ang mga araw para mabilis matapos ang kontrata niya at makapag pakasal na sila ng syota niya...sa tuwing mamimili kami ng supplies namin pagkatapos ng sahod ay si Melchor ang pinaka konti ang pinapamili dahil nagtitipid daw siya para sa plano nila ng girlfriend nya...napapailing na lamang ako madalas...Ang Pag-ibig nga naman..hehehehe..

Minsan katatapos ng sahod ay nakasabay ko sa remittance center si Melchor..ang tanong ko bakit ano problema sa Pinas...kasi bihira talagang magpadala itong si Melchor dahil nga sa Binata pa ito..pero ang sabi niya ay hindi sa Pinas kundi sa girlfriend nya nag ta trabaho din sa Middle East...hindi na lamang ako nagtanong..kasi sa isip ko bakit kaya niya papadalhan ito smantalang pareho silang may trabaho at halos pareho lamang ang kanilang sahod.....

Lumipas ang mraming buwan..tumawag sa cellphone ko si Melchor at nagtatanong kung may makukuhanan daw ba ako ng Sadike...ang sadike ay alak na home made..maraming pinoy na gumagawa nito dito sa Saudi ng patago kasi nga bawal ang alak dito hehehe..ang tanong ko sa kanya aba happy birthday ba pare ang biro ko...ang sabi nya Gago!!! Hindi ko birthday may malaki akong problema..pero mamaya ko na lang i ku kwento sa inuman....hindi na ako nagtanong pa alam ko edukado itong si Melchor na kahit ang ibang tao eh mababaliw na sa problema at lungkot dito sa Saudi pero siya hindi at katulad sa marami naming kwentuhan meron syang paliwanag sa mga ito....

Sa inuman....mabilis ang tagay ni Melchor dahil naghahabol siya di umano ng tama ng alak...hanggang unti unti niyang sinabi na break na sila ng girlfriend niya...at ang nakakatawa daw na in love daw ito sa iba.....pero hindi sa ibang lalaki...sa babae....umiiling-iling lamang siya na naka ngiti at naluluha ang mga mata...at ang sabi niya....ang dami ko na give up dahil sa kanya at siya rin ang dahilan bakit ako nag-abroad..at pati ang pera ko ay halus napunta na din sa kanya.....

Natahimik lamang ako....binayaan ko siyang mag kwento...wala din naman ako maisip na sabihin sa kanya para pakalmahin siya..dahil ang alam ko mas may utak siya sa akin...at mayroon din siyang sariling paliwanag sa mga nangyari sa kanya........:D

Marami pang ibang tao akong nakilala..pero sila muna ang naisip kong ibahagi ang kwento.....

Walang komento: