Lunes, Agosto 18, 2008

PEDERALISMO - Final Exam ko

Sa dahilang mainit na naman ang usapin ukol sa muling pagtatangkang p
baguhin ang istruktura ng pamamahala sa ating bansa (syempre Pilipinas) ay naisipan ko na i blog ang aking huling pagsusulit na isinumite ko noong taong 2005 habang ako ay nasa Masteral pa ng Public Administration sa UP-NCPAG. Ito ay sa aming klase ng "Ethics in Public Administration"

PANGHULING PAGSUSULIT SA PA 209

Isinumite ni: Clodualdo Alan B. Maniaol
Mag-aaral
P.A. 209

Isinumite kay: Dr. Ledivina CariƱo
Propesora

I. Kung sakaling ako ay magbabahagi ng aking rekomendasyon ukol sa kung nararapat ba o hindi na suportahan ang pagpapalit ng kasalukuyang istruktura ng Gobyerno patungong Pederalismo ang mga sumusunod ay ang aking iminumungkahi:

1. Ang mga pagpapahalaga na itinataguyod sa mungkahing pagpapalit ng istruktura ng pamahalaan patungong sistemang Pederal gayon din naman ang mungkahing pagpapanatili nito sa kasalukuyang sistemang unitari ay ang Katarungang Panlipunan at Pagkakapantay-pantay (Social Justice and Equity) sa larangan ng Ekonomiya at pakikilahok ng mamamayan sa larangan ng pulitika.

Sa Sistemang Pederal, ang mungkahing paglilipat ng kapangyarihan at pamamahala ng mga bagay na may kinalaman sa usaping pang-ekonomiya at kaunlaran mula sa sentral na pamahalaan tungo sa mga mungkahing estado na itatatag ay isang hakbang upang makamit ang katarungang panlipunan at pagkakapantay-pantay. Samakatuwid sa Sistemang Pederal, higit na makakamit ang kaunlaran batay sa kakanyahan at kagustuhan ng mamamayan at mabibigyan ng pagkakataon ang bawat estado ng karapatang pagyamanin ang kanilang rehiyon batay sa kani-kaniyang pamamaraan, istilo at estratehiya ng pag-papaunlad.

Masasalamin naman ang Pagkakapantay-pantay sa larangang pampulitika kung ang kapangyarihang ehekutibo na kinakatawan ng Punong Ministro at ang kapangyarihang parlamento na kinakatawan ng mga senador mula sa ibat-ibang estado ay nagkakaisa at magkatuwang na mamumuno, sapagkat ang Punong Ministro ay magmumula sa hanay ng bumubuo ng parlamento. Iiral ang paghahalal ng kandidato batay sa plataporma at programa ng mga partido pulitikal at hindi batay sa personaliad at pagiging pamoso nito. At sa dahilang ang Pederal na Pamahalaan at ang bawat estado ay may direktang ugnayan sa mga mamamayan, ang malawak na partisipasyon sa hanay ng taung-bayan ay maaasahan upang makamit ang isang epektibo at mabuting pamamahala.

Ang isa pang pagpapahalaga na mapupuna sa mungkahing Pederalismo at Gobyernong Parlamento ay ang “Pananagutan” (Accountability). Sa Pederalismo at Gobyernong Parlamento, ang Punong Ministro ay inihahalal mula sa bumubuo ng Parlamento, ang Punong Ministro ay direktang mananagot sa Parlamento, gayundin naman, ang bumubuo ng Parlamento ay mananagot sa Punong Ministro. Ang pamunuan naman ng estado at mga Gobyernong Lokal ay may direktang pananagutan sa taung-bayan at sa sandaling nawawalan na ng kumpiyansa sa sistema ng pamamahala ng Punong Ministro maaaring maalis ito sa panunungkulan. Maiiwasan din ang anumang tangkang pagpapatalsik o dagliang pagpapalit ng Pinuno bunga ng kawalang kumpiyansa ng mamamayan katulad ng kudeta o anumang pamamaraan na nagdudulot ng kaguluhan sa Bansa na siya ring sanhi ng krisis pulitikal at krisis pang-ekonomiya.

Sa kabilang banda, ang kasalukuyang umiiral na sistemang unitari ay hindi gaanong nagsisilbi sa diwa ng Katarungang Panlipunan at Pagkakapantay-pantay, sa dahilang ang mga patakarang may kinalaman sa pagpapaunlad ay nakasentro o idinidikta pa rin ng sentral na pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan kung saan ang huli, bagaman pinagkalooban ng awtonomiya sa pamamagitan ng Koda ng Lokal na Pamahalaan o Local Government Code ay nanatiling nakaasa sa patakarang ipinatutupad ng Sentral na Pamahalaan sa larangang pang-ekonomiya at pagpapaunlad. Isang halimbawa nito ay ang pakikisangkot ng Sental na Pamahalaan sa anumang internasyunal na kasunduan na may kinalaman sa pakikipagkalakal o tratado nang walang pagsasaalang-alang sa epekto nito sa lokal na ekonomiya ng bawat rehiyon na nagiging sanhi ng pagbagsak ng ekonomiya ng ilang rehiyon sa bansa. Halimbawa nito ay ang pagbulusok ng merkado ng produktong bawang mula sa Ilokos dahilan sa pagdagsa sa lokal na pamilihan ng murang inangkat na bawang mula sa bansang Taiwan.

Ang pagkakapantay-pantay naman sa larangang pampulitika ay hindi rin makita sa kasalukuyang sistemang unitari, bagkus kung sino ang may salapi at kilala sa lipunan ay siya lamang ang may kakayahang sumangkot sa pulitika. Ang kapangyarihan ng ehekutibo ay hiwalay sa kapangyarihan ng lehislatura na nagiging sanhi ng pagkabalam ng pagpapatibay at pagpapatupad ng anumang batas na magsisilbi sa interes ng mamamayan. Ang partisipasyon din ng taung-bayan sa usaping pulitika ay tuwing sasapit lamang ang halalan katulad ng pagsulpot ng mga partidong pulitikal na hindi malinaw ang inilalahad na plataporma ng pamamahala.

2. Ang dalawang nabanggit na pagpipilian, ang pagpapalit ng kasalukayng istruktura ng pamahalaan patungong Pederalismo at ang ang pananatili ng unitari na sistema nito. Sa aspetong Deontolohikal, ang pagpapalit ng kasalukuyang istruktura patungong Pederalismo at Gobyernong Parlamento ay nagtataguyod ng higit na malalim na pananagutan sa mamamayan batay sa nakaatang na gampanin ng bawat bumubuo ng pamunuan. Ito ay tumatagos mula Gobyernong Lokal, Estado, ang bumubuo ng Parlamento at Punong Ministro.
Ang dalawahang gampanin ng Parlamento bilang lehislatura at ehekutibo ay magdudulot ng madaliang pagpapatupad ng mga patakaran para sa kagalingan ng mamamayan na siyang pangunahing tungkulin ng Pamahalaan at pamunuan nito sa mamamayan. Salungat naman sa Unitari na sistema kung saan ang pangunahing tungkulin ng Pamahalaan na mapadaloy ang serbisyo sa maagap at epektibong pamamaraan ay di gaanong naisasakatuparan at hindi naisasa-praktika ang isang Mabuting Pamamahala.

Ang Mabuting Pamamahala (Good Governanmce) ayon sa United Nation Development Program ay may katangian ng mga sumusunod: Ipatupad ang kapangyarihan sa larangan ng ekonomiya at pulitika upang pangasiwaan ang bansa sa ibat-ibang antas at Pag-isahin ang mga mekanismo, proseso at mga institusyon na kung saan ang mamamayan ay makapagpapahayag ng kanilang interes at maitaguyod ang kanilang lehitimong karapatan, maabot ang kanilang pananagutan at pagtagpuin o pag-isahin ang kanilang pagkakaiba.

Sa kasaysayan ng unitaring sistema ng Pamahalaan ayon sa panulat ni (Dr. Jose V. Abueva, Some Advantages of Federalism and Parliamentary Government in the Philippines) ang unitari na istruktura ng Gobyerno ay ilang ulit nang nabigo upang buuin ang mga institusyon at makamit ang katangian ng isang Mabuting Pamamahala (Good Governance). Sa kabila ng ilang ulit na pagpapamalas ng pagkakaisa ng mga Pilipino, ito ay ang Edsa I at Edsa II ay nanatili pa ring ang kapangyarihan ay nakasentro sa Gobyernong Nasyunal.

Sa aspetong Unibersal na uri ng Utilitaryan (Universalistic Utilitarian) Ang istruktura ng Pederalismo at Gobyernong Parlamento ay higit na kakikitaan ng pagpapahalaga sa kagalingan ng higit na nakakarami. Sapagkat sa Pederal at Parlamentong Pamamahala ay kinikilala ang malawak na partisipasyon ng mamamayan at ang kakayahang paunlarin ang sarili nito. Ang mauunlad na estado ay magbabahagi ng tulong sa mahihirap na estado na siya ring magbibigay daan sa pantay na pag-unlad ng bawat estado at pagtataguyod ng Katarungang Panlipunan.

Samantala sa Unitari na sistema, monopolyo ng iilan ang kaunlaran at higit pa ring nakararami ang mahihirap at ang interes at partisipasyon ng ilang sektor ay hindi gaanong nabibigyang pansin bagaman lumalahok na ang ilan sa pulitika sa pamamagitan ng Party List System, sa kabila nito, mayorya pa rin ng bumubuo ng kongreso ay nagmumula sa pulitikal na partido na nagtataguyod lamang ng kani-kanilang interes. Ang tatlong pangunahing aktor naman sa Pamamahala (Three Actors in Governance) ito ay ang Estado, Grupong Sibil (Civil Society) at Sektor ng Negosyo (Business Sector) ay hindi rin kinakitaan ng aktibong pakikilahok sapagkat nakasentro ang kapangyarihan sa Nasyunal na Pamahalaan, samantalang sa Pederalismo at Gobyernong Parlamento ay magdudulot ito ng ibayo at masiglang pagtutulungan sa antas Lokal, Estado at Pederal na kung saan ang mga lokal na lider na nakilala sa kanilang pagiging dalubhasa at pagiging mapanglikha sa pagpapaunlad ng kani-kanilang lugar ay maiingganyo na makibahagi at makiisa dahil sa higit pang pinaunlad na rehiyonal at lokal na pamamahala.

3. Ang kabuuan ng isinasaad ng sulatin ni Dr. Leonor M. Briones “Time to Talk Money” ukol sa pagpapalit ng istruktura mula unitari patungong Pederalismo ay nangangailangan ng malaking badyet upang ito ay maisakatuparan, subalit sa sitwasyong ang Bansa ay nakararanas ng krisis pang-pinansya ang tanging maaaring pagkunan ng badyet ay ang pagpapataw ng karagdagang buwis sa mamamayan.

Sa pagtinging Deontolohikal, ang pagbabayad ng buwis sa pamahalaan ay isang obligasyon at katungkulan ng bawat mamamayan na isinasaad ng batas. Gayundin naman ang Pamahalaan ay mayroon ding katungkulan na gamitin ang buwis ng mamamayan laan sa kagalingan ng nakararami. Samakatwid, hindi magiging malaking isyu o usapin ang teknikal na aspeto sa pagpapalit ng istruktura patungong Pederalismo kung isasakatuparan ito kaakibat ng paggampan sa katungkulan ng bawat isa sa pagkakamit ng pangkalahatang kabutihan (Universalistic Utilitarian).

Ang kasalukuyang krisis pang-pinansya ay iniluwal ng kasalukuyang unitari na sistema, magmula sa panunungkulang Aquino na siyang inasahan ng mamamayan upang umahon sa kahirapan at sa mga sumunod pang namuno ay nabigong resolbahin ang lalu pang lumalalang krisis, bagkus patuloy na nakaasa ang bansa sa pag-utang sa mga dayuhang bansa na lalu pang nagpapalala ng krisis sa dahilang inilalaan sa pagbabayad ng interes ang ikatlong bahagi ng kabuuang badyet ng bansa. Bahagi ng repormang inilatag ng kasalukuyang Pangulo sa kanyang sampung puntong adyenda ay ang pagresolba sa kakulangan ng badyet sa pamamagitan ng pagpapalawak ng base ng Pagbubuwis. Kung gayon na pagbubuwis ang nakikitang paraan ng pagresolba sa suliraning pang-pinansya, ang debolusyon ng kapangyarihan sa mga estado at lokal na pamahalaan sa sistemang Pederalismo ay higit na magpapalawak ng base ng pagbubuwis. Sa pagsusuma ang teknikal na suliranin sa badyet at pamamaraan ng pagresolba nito sa sistemang Pederalismo ay hindi nalalayo sa pamamaraan ng unitaring sistema.

4. Ang Pederalismo at Gobyernong Parlamento ang sa aking pananaw ang siyang higit na magtataguyod ng interes ng mamamayan sapagkat, una, ang dalawang antas ng Gobyerno ang Pederal at Estado ay may direktang ugnayan sa mamamayan, kung saan ang partisipasyon ng mamamayan sa pagsasagawa at pagpapatupad ng isang desisyon ay esensyal, ikalawa, magkatuwang na ipatutupad ang kapangyarihang lehislatura at ehekutibo at maiiwasan ang anumang pagkabalam ng pagpapatibay at pagpapatupad ng batas, ikatlo, Ang bawat estado ay magkakaroon ng kinatawan upang pangalagaan at ipagtanggol ang interes, karapatan at kapakanan sa pagsasagawa at pagpapatupad ng anumang desisyon sa antas Pederal., ikaapat, ang pagpapaunlad sa larangang pang-ekonomiya at serbisyong panlipunan ay ipinauubaya sa bawat estado, kung kaya, higit na mapapalapit ang mamamayan sa pamahalaan. Ang mga nabanggit na katangian ng Pederalismo ay magsisilbing dahilan upang makamit ang matagalang benepisyo, kagalingan ng higit na nakararami at kaganapan ng isang Mabuting Lipunan.

II. Kung sakaling ako ay isa sa mga Mambabatas at ang usapin ukol sa Pederalismo ay inihain sa Kongreso at ayon sa surbey ang karamihan sa aking kababayan ay kontra sa aking paninindigan na itaguyod ang sistemang Pederalismo.

1. Ang pagsasaalang-alang sa Kapakanan ng Bayan ay naglalayong maabot ang pang matagalang benepisyo ng mamamayan, naghahangad ng kabutihan para sa higit na nakararami at nangangailangan at ang kapakinabangan ng bayan ay pang mahabang panahon. Ang Pederalismo ay naghahayag ng esensyal na pagkakataon sa mamamayan upang malayang makilahok sa gawaing panlipunan. Ang pagkakaroon ng direktang pananagutan ng Ehekutibo sa Lehislatura at gayun din ang Lehislatura sa Ehekutibo ay isang matingkad na katangian nito na nagtataguyod ng interes ng sambayanan.

Ang pagkakaroon ng awtonomiya ng bawat estado upang paunlarin ang kani-kanilang lugar batay sa sariling kakayahan ang siyang daan upang direktang makisangkot ang taung-bayan sa usaping pamamahala na isang katangian din naman ng isang mabuting pamamahala (Good Governance).

Sa pamamagitan nito, ang suliraning matagal nang hindi mabigyan ng solusyon ay malalapatan ng lunas batay sa sariling pagpapasya ng mga estado (Hal. Ang suliranin ng Bangsa Moro at iba pang miyembro ng Pambansang Minorya). Ang bumubuo ng pamunuan sa Pederalismo ay direktang may pananagutan sa sambayanan sa anumang ikikilos nito. At anumang pribadong interes ng namumuno ay mapapailalim sa Interes ng Sambayanan sapagkat ang taung-bayan ang higit na mapagpasya. Ang mamamayan ang mapagpasya sapagkat ang tinig at interes ay mapapangalagaan at maipagtatanggol ng mga kinatawan nito mula sa ibat-ibang estado.

2. Kung sa kabila ng pagpapaliwanag sa mamamayan ng kabutihang maidudulot ng Pederalismo at naninindigan pa rin ang karamihan sa pagpapanatili sa ating unitaring sistema, bilang kanilang kinatawan sa kongreso ay susunurin ko ang kanilang kagustuhan labag man ito sa aking personal na pananaw. Ang Interes ng higit na nakararami ang aking pangunahing bibigyang pagsasaalang-alang sapagkat bilang kanilang kinatawan ako ay may pananagutan sa kanila at nararapat lamang na ang kanilang paninindigan ang marinig sa kongreso at hindi ang personal kong pananaw. Ang ganitong pagpapasya ay naaayon sa pamantayan ng pagtugon sa bayan. “Ang kapangyarihan ay nananahan sa Taung-Bayan at ang lahat ng karapatan ng Pamahalaan ay nagmumula sa kanila” Artikulo II, Seksyon 1, Saligang Batas ng Pilipinas, 1987. Ayon din naman sa aklat na akda ni Zimmerman Joseph, Kabanata II, Tunggalian ng Interes (Conflict of Interest) Ang lingkod ng Bayan ay hindi pinapailalim ang kanyang katungkulan o responsibilidad sa sa kanyang pribadong interes.

V. Myth of Gyges

Ang “myths of Gyges” ay isinulat ni Plato na bahagi ng ikalawang aklat na “Republic”. Ang kwento ng “Myth of Gyges” ay tungkol sa isang Pastol na naglilingkod sa isang Hari, habang siya ay nagpapakain ng mga alagang tupa, isang malakas na lindol ang naganap at nagdulot ito ng pagbuka ng lupa, sa puwang ng nakabukang lupa, isang bangkay ang tumambad sa kanya at isang sing-sing ang kanyang nakita na nakasuot sa isang daliri nito. Kinuha niya ang sing-sing at sa kanyang pagkamangha sa tuwing iniikot niya ang sing-sing siya ay nawawalang parang isang bula. Matapos na mamalas at masubukan ang kamanghamanghang dulot nito, nagtungo ang Pastol sa Kaharian, inakit ang Reyna, Pinatay ang Hari at matapos ay inagaw niya ang kapangyarihan ng kaharian at ginawa niya ang anumang nais niyang gawin sapagkat hindi siya makikita at mapaparusahan nino man.

Ang nais isaad ng kwentong ito ay patungkol sa natural at likas na maaaring ikilos ng isang tao kung hindi ito nakikita ng iba o kung alam nito na siya ay hindi maaaring maparusahan sa anumang hindi tamang ikikilos nito. Sa pagbubuod, ang aral na nais iparating ng kwentong “Myth of Gyges” Ang isang indibidwal na nabibilang sa isang komunidad ay nararapat na kumilos ng ayon sa tama, nakikita man o hindi ng komunidad na kinabibilangan nito o kaya namay may kaparusahan man o wala.

Sa isang lipunan, ang pagkakaroon ng isang batas na nagsasaad ng pamantayan ng mga dapat ikilos ng isang indibidwal ay mahalaga, isang halimbawa nito ay ang pagpapatibay ng batas at paglikha ng ibat-ibang institusyon na kontra-korupsyon. Kung wala nito ang isang namumuno na iniluklok sa isang posisyon at pinagkalooban ng kapangyarihan ay mayroong tendensya na gamitin ito ayon sa kanyang personal at indibidwal na hangarin at isangtabi ang Kapakanan ng Bayan, Subalit kung mayroong malinaw na panuntunan kung ano ang mga limitasyon na dapat ikilos ng isang pinuno maiiwasan ang korupsyon at pag-abuso sa hinahawakan nitong kapangyarihan, matututo rin ito na maging mapanagutan sa mamamayan na nagluklok sa kanya na siya ring magsisilbing mata at bantay sa anumang hindi tamang maaaring gawin nito.

Ang isang simpleng halimbawa na madalas nating makita sa Lipunang Pilipino ay ang pagsunod sa batas trapiko, na kadalasan ang karamihan ay sinusunod ito hindi dahil sa batid nilang ito ang makabubuti at tama para sa isang motorista kundi dahil sa umiiwas na mahuli at maparusahan ng mga tagapagpatupad ng batas.

Walang komento: